Mga bata, ginagamit ng mga magulang para kaawaan
Kapag ang mga magulang ay gumagawa ng kalokohan, lahat ng paraan ay gagawin nila para sila ay makapagtago. May mga pagkakataon pa na ginagamit nila ang kanilang mga anak para mas kaawaan sila ng mga tao. Mayroon nga akong kilalang ganyang pamilya. Sobra silang nagmamahalan kaya kahit sa paggawa ng kasamaan ay tulung-tulong sila. Ang mga magulang ang tagakumbinse at ang mga anak naman ang todo nagpapaawa.
Ang mag-asawa na tinutukoy ko ay nangungumbinse sa mga nakapaligid sa kanila na pautangin sila. Ang pirming idinadahilan nila ay wala silang makain, walang pamasahe at kung anu-ano pa. Mangangako sila ng petsa ng pagbabayad pero kapag dumating na ang petsang iyon, magsasabi sila na walang pera. May pagkakataon na ang mga anak nila ang pinahaharap nila para mas maging kawawa ang kanilang kalagayan.
Kung minsan naman, dahil di na sila makautang pa sa isang tao, ang anak nilang nasa edad trese ang inuutusan nilang mangutang. Ang ibibigay na dahilan ay wala silang makain. SIyempre kung may puso ka, siguradong maaantig iyon kaya mapapadukot ka sa’yong bulsa. Dahil din sa sobrang awa mo, hindi mo maiisip kung bakit nga ba limang daan ang hinihingi ng bata kung pangkain lang naman.
Kung makakatagpo ka rin ng mga batang tulad nito, anong gagawin mo? Magagalit ka ba o mas makakaramdam ka ng awa sa kanila dahil ginagamit sila ng kanilang magulang para masolusyunan ang kanilang paghihirap.

Comments
Post a Comment